TODO suporta ang Philippine Sports Commission (PSC) sa lahat ng miyembro ng Team Philippines na sasabak sa 32nd Southeast Asian Games na gaganapin sa May 5-17 sa Phnom Penh, Cambodia.
Kabilang sa suportang ito ang funding preparation, supplies, manpower at logistics.
Hindi naman nagbigay ng projection si PSC chairman Richard Bachmann sa magiging pagtatapos ng Team Philippines sa biennial meet.
“I just want to support them. If we were fourth place last year, then hopefully we can improve this year,’ pahayag ni Bachmann sa kanyang pagbisita sa weekly Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum kahapon sa Rizal Memorial Sports Complex sa Manila.
Ang Team Philippines ay sasandal sa 840-strong Philippine delegation na magdadala ng bandila ng bansa sa 38 disciplines sa pinakamalaking biennial multisport event sa rehiyon.
Ang boxing, isa sa medal-rich sports ng bansa, ay pangungunahan nina 2020 Tokyo Olympics silver medalists Nesthy Petecio at Carlo Paalam. Sina Olympian at world gymnastics champion Carlos Yulo at world No. 3 pole vaulter Ernest John Obiena ay inaasahang mag-uuwi ng gold medal mula sa Cambodia meet.
Pangungunahan naman nina weightlifting Olympian Elreen Ando at Asian champion Vanessa Sarno ang national weightlifting squad sa pagkawala ni Philippines’ first Olympic gold medalist Hidilyn Diaz na puspusang nagsasanay para mag-qualify sa 2024 Paris Olympics.
“Our national athletes have been working hard and hopefully, all their hard work will pay off,” dagdag ni Bachmann na bumibisita sa training at paghahanda ng iba’t ibang national teams magmula pa noong January.
Bukod sa SEA Games, hinikayat din ni Bachmann ang bawat National Sports Association (NSA) na tumingin sa mas malaking larawan, lalo na sa iba pang major events na nakatakda ngayong taon tulad ng Asian Games, World Championships, at qualifying events para sa Paris Olympics.
“I’m not putting down the Southeast Asian Games, I’m just saying that, we should win that all the time. We have many events this year, suportahan natin ang atletang Pilipino,” ani Bachmann.
Magkakaroon ng send-off party para sa Team Philippines sa April 24 sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City, na inaasahang dadaluhan mismo ni Presidente Ferdinand Marcos, Jr.
CLYDE MARIANO