PSFI HOST NG INTERNATIONAL SAMBO TOURNEY

BILANG bahagi ng programa na maipakilala ang ‘sambo’ na isang martial arts sa mga Pilipino, ipinahayag ng Pilipinas Sambo Federation Inc. (PSFI) ang pagdaraos ng pinakamalaking torneo ng asosasyon sa Oktubre.

Target din ng PSFI na mapalawak ang kaalaman sa sport sa paglabas ng ikalawang libro na ‘Fitness Sambo Guide Book’ sa Abril sa Davao City.

Inimbitahan ng PSFI ang mga local sambo federation, gayundin ang international Samboist mula France, US, The Netherlands, Indonesia, Singapore, Malaysia, Thailand para sa kauna-unahang international tournament ng sport sa bansa.

Nakibahagi at nagwagi ng dalawang gold, isang silver at tatlong bronze medals ang sambo sa 2019 Manila Southeast Asian Games.

“Kung sino ang interested na sumali, we will send invitations by the month of October. Mag-invite tayo sa abot ng makakayang makasali. Kasi sila rin sabik na silang lumaro, [mostly] gusto ng mga European ‘yung mga beach natin,” pahayag ni PSFi President Paolo Tancontian sa lingguhang virtual forum session na Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) ‘Usapang Sports‘ via Zoom kahapon

Napipisil nilang ganapin ang international tourney sa San Andres Sports Complex Gymnasium na bukas para sa 35 club members sa bansa sa suporta ng City of Manila at PBA Party-List ni Atty. Migs Nograles at bagong talagang chairman ng Civil Service Commission (CSC) Karlo Nograles, na siya ring chairman ng PSFi.

“Definitely magho-host tayo this year basta tuloy-tuloy lang tayo na medyo maluwag na. We’ll definitely push this hosting lalo na itong mga bata na gustong-gusto nang maglaro at mag-compete. This will be our first project na tututukan ngayong taon,” wika ng dating SEA Games judo medalist at national team member sa programang suportado ng Philippine Sports Commission (PSC), Games and Amusement Board (GAB) at PAGCOR.

Aniya, pinaghahandaan din  ng national team ang Paris Sambo Grand Prix Tournament sa Mayo, Open Asian Sambo Cup sa Indonesia sa Hulyo, Asian Sambo Championship sa Lebanon sa Agosto Asian Indoor Martial Arts Games sa Nobyembre at ang 32nd SEA Games sa Cambodia sa 2023 kung saka-sakali.

Ilan sa mga inaasahang sasabak sa mga international tournament sina 5-time World Sambo bronze medalist at 2019 Asian Championship titlist Sydney Sy Tancontian, SEA Games gold medalist Chino Sy Tancontian at biennial meet champion at UFC fighter Mark Striegl.

Parte rin ng kanilang pamamaraan na maipakilala ang sport sa mga Pinoy ang ginanap na book launching noong isang buwan sa Mixed Temptation Chinese Restaurant, ng kanilang ikalawang libro na naglalaman ng mga kaalaman, techniques, exercises at lahat ng kailangang matututunan patungkol sa sambo upang mas mapalapit pa sa mga kabataan sa iba’t ibang komunidad, higit sa mga eskwelahan at unibersidad sa buong bansa.

“We want to propagate and develop our sports and programs to different sectors, schools and other areas in the country para naman maging continuous ang ating mga programa at makapaghikayat pa kami ng mas maraming matuto at sumali sa aming sport,” paliwanag ni Tancontian, kung saan nakakasama niya sa naturang event ang mga opisyal ng Department of Education, schools at colleges, sports enthusiast, athletes at coaches. EDWIN ROLLON