(PSG, PNP 100 percent nang preparado) MAXIMUM TOLERANCE SA MGA PASAWAY SA SONA NI PBBM

INIHAYAG kahapon ni Philippine National Police chief General Benjamin Acorda na 100 percent ng preparado ang pambansang pulisya sa gaganaping State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.

Tiniyak ng pamunuan ng PNP na nakalatag na ang lahat ng seguridad sa loob at labas ng Batasan Pambansa sa Quezon City.

Sinasabing kasado na ang lahat ng preparasyon ng PNP para sa ikalawang State of the Nation Address ni PBBM sa Lunes kung saan aabot 22,000 pulis ang idedeploy sa Batasang Complex at maging sa ilang estratehikong lugar.

Nabatid na tuloy tuloy din ang ginagawang pakikipag koordinasyon ng Presidential Security Group (PSG) para sa SONA ni PBBM na kasalukuyang nasa final stages na ang security preparation.

Ayon kay PSG Commander General Ramon Zagala, patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa hanay ng PNP, Armed Forces of the Philippines (AFP) at Bureau of Fire Protection (BFP) upang matiyak na magiging maayos ang kaganapan sa Lunes mula sa pagdating ng Pangulo sa Batasang Pambansa, pag-deliver nito ng kaniyang talumpati at hanggang sa pagbalik nito sa Malacañang.

Sinabi ng opisyal na magdi-deploy sila ng sapat na tauhan upang tiyakin ang proteksyon hindi lamang ni Pangulong Marcos at first family, kabilang din ang lahat ng bisita na dadalo sa SONA.

Sa kasalukuyan, ayon PNP at maging sa AFP ay wala pa naman silang natatanggap na impormasyon kaugnay sa posibleng banta o manggugulo sa SONA ng pangulo.

Samantala, nilinaw ni NCRPO Spokesperson Lt. Col. Jenny Tecson na ipinagbabawal ang pagsasagawa ng kilos-protesta sa Commonwealth Avenue dahil may mga itinalaga namang mga lugar na maaaring pagdausan ng demonstrasyon gaya ng Quezon Circle.

Nauna nang inihayag ng PNP na magpapairal sila ng maximum tolerance sa hanay ng mga militanteng grupo na nagbabalak na magsagawa ng kilos protesta

Pero ayon kay PNP spokesman Col. Jean Fajardo, papayagan lang ang mga raliyista sa mga itinalagang lugar.

Ikinalugod ng Commission on Human Rights (CHR) ang pangako ng PNP na ipairal ang maximum tolerance sa pagkontrol sa mga protesta sa gaganaping ikalawang SONA ni PBBM.

Umaasa ang CHR na mapapangatawanan ng law enforcers ang kanilang pangako.

Pinaalalahanan din ng CHR ang mga nagpoprotesta na kilalanin ang Batas Pambansa Bilang 880 (BP 880), gaya ng pagkuha ng permit bago makapagsagawa ng aktibidad maliban kung isasagawa ito sa mga freedom park.

Magpapakalat naman ang CHR ng investigators at mga abogado upang i-monitor ang pangyayari sa kasagsagan ng mga kilos protesta.
VERLIN RUIZ