PSI NATIONAL CONGRESS, ELECTION SA JUNE 8

INAGAHAN ng isang linggo sa June 8 ang national congress at election ng mga miyembro ng board of trustees ng Philippine Swimming Inc. (PSI).

Orihinal na nakatakda sa June 15, ang World Aquatics-ordered exercise ay dadaluhan ng regional representatives at nominees ng PSI simula sa alas-11 ng umaga sa East Ocea Palace Restaurant sa Paranaque City.

Ayon kay Atty. Wharton Chan, ang bagong iskedyul ng congress at election ay napagkasunduan sa hybrid meeting noong Huwebes ng regional representatives ng federation.

“The regional representatives agreed to move the exercise to an earlier date—and it will be doe face-toface,” sabi ni Wharton, miyembro ng Philippine Olym- pic Committee (POC)-designated electoral committee na pinamumunuan ni POC secretary-general Atty. Edwin Gastanes kasama sina Atty. Avelino Sumagui at Atty. Marcus Antonius Andaya bilang iba pang mga miyembro. Ani Chan, mahigit sa 300 clubs o groups ang nakarehistro bilang PSI members kung saan 100 sa mga ito ang dumalo sa pagpupulong noong Huwebes. Umaasa siyang marami pa ang dadalo sa June 8 exercise.

Ihahalal ang 10 miyembro ng board of trustees base sa geographical sector at isang miyembro mula sa mga kinatawan ng diving, open water swimming, water polo at synchronized (artistic) swimming para sa kabuuang 11 trustees.

Ang geographical sector ay sumasaklaw sa tig-2 mula sa Area 1 (National Capital Region), Area 2 (Regions 1, 2, 3 at Cordillera Autonomous Region), Area 3 (Regions 4-A, 4-B at 5), Area 4 (Regions 6, 7 at 8) at Area 5 (Regions 9, 10, 11, 12, CARAGA Region at Autonomous Region of Muslim Mindanao).

-CLYDE MARIANO