PSL: CARGO MOVERS SILAT SA LIFESAVERS

lifesaver

GINULANTANG ng Generika-Ayala ang F2 Logistics, 19-25, 25-22, 25-16, 28-26, para sa kanilang unang panalo sa Philippine Superliga All-Filipino Conference kahapon sa Filoil Flying V Centre.

Pinangunahan ni Patty Orendain ang atake ng Lifesavers, na humabol sa 21-24 deficit sa fourth set tungo sa shocking win sa prestihiyosong women’s club tour-ney.

Sa iba pang laro ay dinurog ng Foton ang Smart, 26-24, 25-15, 25-19.

Nagtuwang sina Mina Aganon at Maika Ortiz para sa 24 points para sa Tornadoes, na sinamahan ang Petron sa ibabaw ng team standings na may 4-0 kartada sa kabila ng pagkawala nina  Jaja Santiago at Dindin Manabat.

Nakalikom si Orendain ng 18 points at 10 receptions habang nagdagdag si  skipper Angeli Araneta ng 15 markers upang ibigay sa Generika-Ayala ang unang panalo sa apat na laro.

“Our hard work really paid off,” wika ni Generika-Ayala head coach Sherwin Meneses, na nakakuha ng impresibong laro mula kina Mika Lopez, Fiola Ce-ballos at Marivic Meneses.

“After three losses, we still kept going. I told the team to just be patient and continue working hard.”

Tumipa si Michelle Morente ng 14 points at gumawa sina Cha Cruz-Behag ng 11 markers at Aby Marano, Ara Galang at Majoy Baron ng tig-10 points para sa Cargo Movers,  na nalasap ang back-to-back setback.

Natalo rin ang F2 Logistics sa reigning champion Petron sa thrilling four-set encounter nitong weekend upang bumagsak sa 3-2 kartada.