Mga laro ngayon:
(Muntinlupa Sports Center)
4:15 p.m. – UE vs CSA
7 p.m. – La Salle-Dasmarinas vs UST
MULING papagitna ang pinakamabangis na volleyball rivalry sa bansa makaraang dispatsahin ng Petron at F2 Logistics ang kani-kanilang katunggali sa semifinals ng Philippine Superliga All-Filipino Conference noong Martes ng gabi sa Muntinlupa Sports Center.
Dinurog ng Blaze Spikers ang Cignal, 25-21, 25-20, 25-16, habang naitala ng Cargo Movers ang makapigil-hiningang 21-25, 25-15, 25-20, 19-25, 15-5 panalo kontra Generika-Ayala upang maisaayos ang rematch ng kanilang best-of-three finals duel.
Ang Game 1 ng finals ng prestihiyosong women’s club league ay nakatakda sa Sabado sa Mall of Asia Arena.
Samantala, sisikapin ng University of Santo Tomas na mawalis ang preliminaries sa pagsagupa sa listless De La Salle-Dasmarinas side sa Collegiate Grand Slam ng torneo.
Sasambulat ang aksiyon sa alas-7 ng gabi matapos ang bakbakan ng University of the East at Colegio San Agustin-Binan sa alas-4:15 ng hapon.
Ang unang finals encounter ng Petron at F2 Logistics ay noong 2016 nang hubaran ng korona ng Cargo Movers ang Blaze Spikers sa All-Filipino tourney.
Sa sumunod na taon, pinalakas ng Petron ang roster nito sa pamamagitan ng mga dekalidad na players gaya nina Mika Reyes, Bernadeth Pons, Remy Palma at Sisi Rondina upang mabawi ang titulo.