PSL: ‘GRACEFUL EXIT’ SA UE-CHERRYLUME

UE-Cherrylume

NAGING matatag ang University of the East-Cherrylume upang masilat ang Cocolife sa limang sets, 22-25, 26-24, 25-19, 21-25, 22-20, at kunin ang ninth place sa Chooks to Go-Philippine Superliga (PSL) Invitational Conference kahapon sa FilOil Flying V Centre sa San Juan.

Nalusutan ng Iron Lady Warriors ang limang match points bago dinispatsa ang Asset Managers sa loob ng dalawang oras at 12 minuto.

Naging susi sa panalo ng UE-Cherrylume si Mary Anne Mendrez kung saan napigilan nito ang huling tatlong match points sa pitong deuces ng Cocolife.

Naghahabol sa 19-20, naitala ni Mendrez ang  equalizer at sumobra si Justine Tiu ng Cocolife sa kanyang atake na nagbigay sa Lady Warriors ng set point, 21-20, bago humataw si Mendrez ng game-winning service ace.

Nagpakawala si Mendrez ng 27 points mula sa 24 kills at tatlong service aces, kabilang ang 28 digs.

Naging impresibo rin si Juliet Catindig na may 18 points, kabilang ang 18 digs at 12 excellent receptions, habang nagdagdag sina Judith Abil at Mariella Gabarda ng 13 at 11 markers, ayon sa pagkakasunod.

“We gave our all in our last game,” wika ni UE-Cherrylume head coach Rod Roque matapos ang ‘gracious exit’ sa midseason confe­rence.

“When we joined, our only aim is to gain experience, learn from the senior players and adapt their strategy, mindset and communication in this exposure and preparation for UAAP,” aniya.

Nasayang ng Lady Warriors ang 2-1 set lead subalit hindi bumigay sa kanilang dikdikang duelo sa fifth set.

Bumagsak ang Cocolife sa huling puwesto sa 10-team Invitational conference.

Tumapos sina Gyra Barroga at Tiu na may tig-15 points at kumana ng 19 digs at 13 receptions, ayon sa pagkakasunod.

Naging instrumento rin sina Denice Tan at Marge Tejada na may 13 at 10 markers, habang gumawa si libero Denden Lazaro ng 34 digs.

Comments are closed.