HINDI lang mga karamdaman sa katawan ang bumabagabag sa kalusugan ng isang tao, kundi maging ang sakit sa isip. Dahil dito, nararapat ding ipasakop sa PhilHealth ang konsultasyon sa mga psychiatrist.
Ito ang naging panawagan ni Senador Sonny Angara matapos ang magkasunod na kaso ng suicide ng dalawang pamosong personalidad na umano’y pinahihirapan ng depresyon.
Sa buong daigdig, mahigit 300 milyong katao na ayon sa datos ng mga eksperto, ang nakararanas ng depresyon. Ito anila ang pangunahing dahilan kung bakit patuloy sa pagdami ang mga nagpapakamatay o kaya nama’y mga taong sinasaktan ang sarili at sa kalaunan ay sumisira sa kanilang katawan at kalusugan.
Ikinababahala rin ni Angara ang resulta ng isinagawang pag-aaral ng World Health Organization noong 2011, kung saan, lumalabas na ang Filipinas, sa lahat ng bansa sa Southeast Asia ang may pinakamataas na bilang ng mga indibidwal na dumaranas ng depresyon.
“Huwag na nating hintayin pa na gumawa ng ‘di makatarungang hakbang ang mga biktima ng depresyon. Habang maaga ay kalingain natin sila. May lunas at may tulong pa na maaari nating ibigay,” anang senador.
Nitong nakalipas na linggo lamang, natagpuang wala nang buhay ang sikat na designer na si Kate Spade na nagpakamatay umano dahil sa ‘di na makayanang depresyon. Nitong Biyernes naman, Hunyo 8, nagpakamatay rin ang sikat na chef at manunulat na si Anthony Bourdain sa France.
Dahil sa mga pangyayaring ito, mas lumakas pa ang panawagan ng buong mundo na bigyan ng kaukulang pansin at malawakang lunas ang depresyon.
Sa ngayon, pinangungunahan ni Angara ang panawgan sa PhilHealth na palawakin ang primary benefit package nito at isama ang check-ups, consultations, lab tests at mga gamot.
Bagaman sakop ng PhilHealth ang hospitalisasyon ng mga pasyenteng may malalang karamdaman sa pag-iisip at may behavioral disorders sa benefit package na P7,800, hindi naman sakop ng institusyon ang mga bayarin sa konsultasyon at gamot. VICKY CERVALES