UPANG tugunan ang mga pangangailangan sa career coaching ng mga job seeker higit lalo ngayong pandemya, naglunsad ang provincial office ng Department of Labor and Employment sa Batangas ng programang online career coaching (OCC) sa tulong ng mga psychology professionals na nakadestino sa Batangas bilang mga volunteer career coach.
“Malaki ang naging epekto ng pandemyang ito sa trabaho sa bansa. Batay sa pinakabagong pag-aaral, tumaas ang depression rate. Isa sa dahilan nito ay ang kawalan ng trabaho. Ngayon, dahil sa OCC kung saan katuwang natin ay mga professionals talaga, pipilitin nating maibsan ang problemang ito. Kung kailangan nila ng kausap, nandito lamang tayo. Kung kailangan nila ng payo pagdating sa trabaho, andito kami,” ayon kay Director Predelma M. Tan ng DOLE Batangas field office.
Hinikayat ni Tan ang mga job seeker na mag-book ng coaching session sa pamamagitan ng pagpaparehistro sa www.tinyurl.com/OnlineCareerCoaching.
Ang unang batch ng mga volunteer career coach ay sina Carl Reman Maranan, RPm, MAEd GC; Marc D. Tesico, RPm, RPsy; Adrian P. Magahis, MA Psych, at; Giselle Ann E. Manansala, RPm.
“Noong nakausap ko sila, tuwang tuwa sila sa konsepto. At hindi sila nagdalawang isip at agad silang sumagot ng ‘yes’. Batid nila ang pangangailangan at ramdam nila ito. Alam rin nila na obligado silang tumulong,” ayon kay Dr. Karl Joseph D. Sanmocte, ang labor and employment officer ng DOLE Batangas at lead implementer ng programa.
Noong Oktubre 14, pinalawig pa ni Dr. Sanmocte ang volunteer career coach appreciation para sa online program.
Sa kanilang pulong matapos ang trabaho sa umaga ng mga volunteer, muli silang na re-orient sa proseso ng serbisyo na maaaring makuha sa tulong ng Facebook messenger, Zoom, Google Meet, o phone call.
Sa kasalukuyan, 20 indibidwal na ang sumubok sa OCC na bahagi ng proyekto ng DOLE-Batangas: Employment E-Services. PAUL ROLDAN
Comments are closed.