ALBAY – MAGTUTUNGO sa lalawigang ito si Presidential Task Force on Media Security (PTFOMS) Executive Director Usec. Joel Sy-Egco para makipagpulong sa mga imbestigador na nakatutok sa pamamaslang kay radio commentator na si Joey Llana.
Sa isang ulat, sinabi ni Egco na makikipag-coordinate siya sa awtoridad kaugnay ng malalimang pag-iimbestiga sa pagpaslang kay Llana at lilinawin ang pagkarekober sa sling bag na naglalaman ng pitong sachet ng pinaniniwalaang shabu na nakuha sa inventory.
Inamin ni Egco na ikinalungkot niya ang hindi magandang balita kaya iginiit ang pagberipika sa impormasyon lalo na’t kritikal ang administrasyong Duterte sa kampanya laban sa ilegal na droga.
Posibleng sa susunod na linggo, matapos ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte, ang pagtungo ni Egco sa Bicol.
Personal ding makikiramay ang kalihim sa pamilya Llana.
Una nang inihayag ni Bicol PNP Spokesperson Senior Insp. Maria Luisa Calubaquib na negatibo sa droga sa isinagawang pagsusuri ang mga nakuhang sachet mula sa mamamahayag. PILIPINO Mirror Reportorial Team
Comments are closed.