PTV DONATION PROGRAM NG PCSO, MAS PINAIGTING NI GM MEL ROBLES

PATULOY ang pagbibigay ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ng mga sasakyan para sa transportasyon ng pasyente sa iba’t ibang munisipalidad sa bansa.

Ayon sa PCSO, hanggang Marso ay nakapamahagi na sila ng 50 ambulansya sa 50 lokal na pamahalaan.

Ito ay bahagi ng PTV Donation Program ng PCSO at sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na magbigay ng isang ambulansya bawat munisipalidad upang mapabilis at mapanatiling ligtas ang paghatid ng mga pasyente sa pinakamalapit na ospital.

Pinangunahan ni PCSO General Manager Mel Robles ang seremonya ng pagpapasa ng ambulansya sa mga alkalde na ginanap sa punong tanggapan ng ahensya sa Mandaluyong City.

Nangako rin ang PCSO na gagawin ang lahat upang magbigay ng karagdagang ambulansya sa lahat ng bayan sa buong bansa sa susunod na taon.

Samantala, halos 1,000 solo parents at indigent PWDs ang dumagsa sa Tiaong Town Plaza sa Quezon upang tumanggap ng food packs mula sa PCSO sa pakikipag-ugnayan ni Mayor RJ Mea kay GM Robles.

Kasama rin sa pagtitipon ang mga Board of Directors ng PCSO na sina Dir. Judge Felix Reyes at Dir. Jennifer Guevarra upang personal na mag-abot ng tulong mula sa PCSO sa ating mga kababayan.

Nagpapasalamat naman ang PCSO sa suporta ng bayan sa kanilang mga programa.
Personal ding ipinamahagi ng mga PCSO Directors at ni Mayor RJ ang 20 scholarship certificates sa iba’t ibang estudyante na nag-aaral sa mga pribadong paaralan.

Malugod na nagpapasalamat si MEa kina PBBM, First Lady Liza Araneta, Robles, Reyes, at Guevarra sa kanilang walang humpay na tulong sa bayan ng Tiaong sa pamamagitan ng kanilang mga programa.

Pasasalamat din ang ibinigay ng mga kababayan natin sa mga natanggap nilang food packs mula sa PCSO.

Sa patuloy na pamamahagi ng ambulansya sa mga munisipalidad at ang pagbibigay ng tulong sa mga solo parent at indigent PWDs, ipinapakita ng PCSO ang kanilang hangaring maglingkod at magsilbing tulay sa pagitan ng gobyerno at ng mga mamamayan.

Nawa’y patuloy na magsilbing tanglaw at gabay sa mga Pilipino ang PCSO sa panahon ng pangangailangan, at patuloy na maging instrumento ng pag-asa para sa mas maganda at mas maunlad na hinaharap ng bansa.