PINAALALAHANAN ni Senador Christopher ‘Bong’ Go ang government agencies na tiyaking nagagamit ng maayos ang public funds at suportahan ang digitalizing ng aid distribution para sa transparency at accountability.
Ang panawagan ni Go ay kasunod ng national address ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa pagsusulong ng mas mahigpit na mga hakbang para masigurong accounted ang mga pondo lalo na ngayong panahon ng COVID-19 pandemic.
Anang senador, dapat masiguro ng government agencies na maramdaman at mapakinabangan ng mga Filipino lalo na ng mga mahihirap ang mga pondong inilalaan ng pamahalaan sa pagtulong.
Binalaan din ni Go ang mga government worker na sinumang mapatunayang umaabuso sa kanilang tungkulin, gagamit ng pondo ng gobyerno sa maling paraan o masangkot sa korupsiyon ay pananagutin sa batas.
Hinikayat din nito ang mga manggagawa na tumulong sa mga imbestigasyon para maputol ang ugat ng korupsiyon sa kanilang mga tanggapan.
Binigyang diin ni Go na kumbinsido siyang marami sa mga empleyado ng gobyerno ang gusto talagang magsilbi nang buong tapat at may integridad.
Una nang nagbabala si Go na hindi siya magdadalawang-isip na magsalita at papanagutin ang mga sangkot sa katiwalian kahit kaalyado o hindi ng administrasyon. VICKY CERVALES
Comments are closed.