PINAALALAHANAN ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Eastern Visayas ang publiko na maging mapanuri sa kalidad ng isda na binibili sa palengke at sa mga lokal na naglalako.
Ito ay kaugnay sa inilabas na Municipal Health Alert ng bayan ng Basey sa Western Samar sa kanilang rekomendasyon na bawal munang kumain ng isdang tamban o hawol-hawol hanggang ito ay hindi ligtas na kainin.
Samantala, narito ang ilang paalala ng BFAR na dapat tandaan:
Sariwang Isda
- Malinaw at matingkad ang mga mata.
- Ang mga hasang ng sariwang isda ay mapula at naglalabas ng sariwang amoy.
- Kapag pinindot o pinisil ang porsyon ng laman ng isda ay bumabalik agad ito sa orihinal nitong hugis.
- Buo ang mga laman ng tiyan at puti ang kalamnan.
- Kulay rosas at hindi nakausli ang ilang parte ng lamang-loob
- Ito ay naglalabas ng sariwang amoy at maayos ang anyo/hugis.
Bilasang Isda
- Malabo at lubog ang mga mata.
- Maputla ang hasang, malansa, maasim at may mabahong amoy.
- Kapag pinindot o pinisil ang isda ay lumulubog at naghihiwa-hiwalay ang laman.
- Hindi nasa tamang hugis ang lamang loob, nakausli ang bituka at mapusyaw na kulay rosas ang kalamnan ng isda.
- Kulay kayumanggi at nakausli ang labasan.
- Amoy panis, maasim, o mabaho at mukhang kupas.
Kung ang isda na inyong binili ay nagpapakita ng alinman sa nabanggit na mga palatandaan ng pagkabulok, pinapayuhan na huwag itong kainin o ipakain kanino man kabilang na ang mga hayop upang matiyak ang kaligtasan.
Sa kasalukuyan, ang BFAR 8 ay nakikipag-ugnayan sa mga kinauukulang lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng kanilang Municipal Agriculture’s Offices (MAOs) para sa karagdagang imbestigasyon at tulong.
Ito ay upang makakuha ng mga samples ng umano’y kinain na isda na nagdulot ng pagkamatay ng ilang hayop na pinakain ng kanilang mga bituka para sa kaukulang pagsusuri.
RUBEN FUENTES