PUBLIC OFFICIALS MAGING MABUTING EHEMPLO -GO

Bong Go

APRUBADO kay Senator Christopher “Bong” Go ang pagsasagawa ng imbestigasyon ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa alegasyon ng pang-aabuso umano ni Philippine Ambassador to Brazil, Marichu Mauro laban sa kanyang Filipino household staff member.

“Paalala ko lang na ang mga opisyales ay mga public servants — trabaho natin na mapangalagaan ang kapakanan ng bawat Pilipino. Dapat tayo ma­ging tamang halimbawa sa bawat mamamayan, lalo na ang mga ambassador na ang mandato ay proteksyunan ang mga kababayan natin sa ibang bansa,” ani Go.

Pinaalalahanan  ni Go ang lahat ng public officials na istriktong tumalima sa itinatakda ng Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees at iba pang aplikableng pamantayan gaya ng Foreign Service Act.

“Public office is a privilege and Mauro, like all other public servants, should be held to the highest of moral and ethical standards, not just in the performance of their official functions and responsibilities, but also on how they act as Filipino citizens,” paliwanag ng senador.

Aniya, ang public servants ay dapat na maging ehemplo partikular ang kumakatawan at may bitbit ng pangalan ng bansa sa international sphere.

“The government, most especially in foreign service, has no place for anyone who does not respect human rights and maltreats others just because of their stature in life,” anang senador.

“Walang sinuman ang may karapatang mang-abuso ng kapwa, lalo na ‘yung mga opisyales natin sa mga embahada sa ibang bansa.  Nandyan po kayo para pagsilbihan at proteksyunan ang mga kababayan natin, hindi para abusuhin ang mga Pilipinong maayos na nagtratrabaho dyan para buhayin ang kanilang pamilya,” dagdag pa ni Go.

Bilang miyembro ng Senate Committee on Foreign Relations, hiniling ng senador sa DFA na tiya­king ang mga angkop na pamamaraan ay nasa ayos para maprotektahan ang karapatan ng akusado at ng biktima, gayundin ay dapat sundin ang due process.

Noong Biyernes, inianunsiyo ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. na pormal ng iimbestigahan ng DFA ang kaso ni Mauro nang magbigay ng go signal si Pang. Rodrigo Duterte.

Pinauwi si Mauro sa bansa bunsod nang pagkalat ng mga CCTV footage na sinasaktan nito ang kanyang Pinay na kasambahay. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM

Comments are closed.