MAAARI ring magamit ang public schools sa bansa para magsilbing vaccination centers para sa isasagawang nationwide vaccination program laban sa COVID-19.
Ito ang inanunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa televised public message Lunes ng gabi kung saan ay inatasan na rin ang paggamit sa police stations at military installations para sa nabanggit na programa.
“Kulang talaga, then my order is to utilize the public school. Wala pa namang klase. Public achool buildings, kung wala,” wika ng Pangulo.
Nagpahayag din ng pangamba ang Pangulo na baka hindi maging sapat ang mga police stations at military installations para sa pagbabakuna kung kaya’t minarapat na gamitin na rin maging ang mga public school.
“If there are no big coliseums or gyms, then we will utilize the schools,” sabi ng Pangulo.
Kasabay nito ay inatasan na rin ng Pangulong Duterte ang militar at pulisya na tumulong sa pagdidisiplina ng mga babakunahan sa kani-kanilang mga lugar.
Inaasahang darating sa buwang ito ang initial shipment na 117,000 doses ng bakuna mula sa Pfizer. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.