TINIYAK ng Department of Education (DepEd) na handa na ang public schools na magpatupad ng remote enrollment para sa isang buwang enrollment period simula sa Hunyo 1.
Una nang ipinag-utos ng DepEd sa mga paaralan na gawin ang lahat para makapagpatupad ng remote enrollment. Hindi na kailangang pumunta ng mga estudyante o magulang sa eskuwelahan para mag-enroll upang maiwasan ang banta ng coronavirus disease.
Ayon sa DepEd, bago ang enrollment ay magdaraos ng orientation para maipaunawa sa mga magulang, guro, at opisyal ng paaralan ang mga alituntunin sa pagtatala.
Papayagan naman ang physical enrollment matapos ang unang dalawang linggo ng enrollment period, o sa Hunyo 15 pero kailangang makipag-ugnayan ng paaralan sa local government unit at dapat sumunod sa mga health and safety protocol.
Paliwanag ng DepEd, ang mga magulang ng mga papasok na Grade 1 to 12 pupils ay kokontakin ng kanilang adviser mula sa nagdaang taon para sa remote enrollment.
Kasabay ng unang araw ng remote enrollment, ilulunsad ng DepEd ang 2020 Brigada Eskwela at Oplan Balik Eskwela.
Nakatakdang magpatupad ang mga paaralan ng iba’t ibang alternatibo sa paghahatid ng mga lesson katulad ng distance learning matapos ipagbawal ang mga physical classes dahil sa COVID-19.
Matatandaang nagpahayag ng suporta ang Pangulong Duterte sa iminungkahing blended learning ni DepEd Secretary Briones. Sa blended learning ay gagamitin ang online o internet at maging face-to-face teaching. PMRT
Comments are closed.