PUBLIC SCHOOLS NA MAY LIBRENG WI-FI WALA PANG 2%

LIMANG taon matapos na maisabatas ang Free Internet Access in Public Places Act o ang Republic Act No. 10929, nasa 1.8 porsyento lamang ng mga pampublikong paaralan sa bansa ang may libreng Wi-Fi.

Ito ang pinuna ni Senador Win Gatchalian sa kanyang interpellation sa panukalang pondo ng Department of Information and Communications Technology (DICT).

Hinimok niya ang kagawaran na tiyaking maaabot nito ang itinakdang target sa paglalagay ng libreng internet sa mga pampublikong lugar, kabilang na ang mga paaralan.

“Ang ating mga mag-aaral ang makikinabang dito dahil paiigtingin nito ang pagdaloy ng impormasyon, lalo na para sa mga kababayan nating nangangailangan,” ani Gatchalian.

Ayon sa naitala noong Setyembre 2, 2022 ng Free Public Wi-Fi Dashboard, 860 lamang sa 47,421 na mga pampublikong paaralan sa bansa ang may libreng Wi-Fi.

Lumalabas din sa Free Public Wi-Fi Dashboard na patuloy ang pagbaba ng bilang ng mga pampublikong paaralan na may libreng Wi-Fi mula noong Oktubre 2021. Noong panahong iyon, nasa 1,190 o 2.5 porsiyento ng mga pampublikong paaralan ang may libreng Wi-Fi. Lalo itong bumaba sa 945 noong Enero 2022.

Sinabi ng chairman ng Senate Committee on Basic Education kung paano nabigyang-diin ng pandemya ng COVID-19 ang digital divide, lalo na noong ipatupad ang distance learning kung saan kinailangan ang maayos at mabilis na internet.

Ayon sa isang survey ng World Bank noong 2021 sa mga sambahayang nangangailangan, 40 porsiyento lamang ang may access sa internet. Lumabas din sa naturang survey na 95.5 porsiyento ng naturang mga sambahayan ay gumamit ng mga papel na modules at learning materials.

Sa ilalim ng panukalang national budget para sa 2023, P2.5 bilyon ang nakalaan para sa pagpapatupad ng Republic Act No. 10929.

Samantala, inihain ni Gatchalian ngayong taon ang Proposed Senate Resolution No. 59 upang repasuhin ng Senado ang pagpapatupad ng Free Internet Access in Public Places Act at ang Open Distance Learning Act (Republic Act No. 10650).

Layunin ng Republic Act No. 10929 na maglagay ng libreng internet sa mga pampublikong lugar. Layon din ng panukalang batas na maglagay ng libreng Wi-Fi sa mga pampublikong paaralan, mga alternative learning system centers, State Universities and Colleges, Technical Education and Skills Authority (TESDA) technology institutions, at iba pa. VICKY CERVALES