SA Pilipinas, kahit may nakapasok nang third telco o telecommunications company, malaking problema pa rin ang internet connection.
Noon pa’y wish na ng maraming Pilipino na bumilis ang ating internet.
Bago nanalo si Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016, talagang namamayagpag ang iilang telco lamang.
Kaya binigyan ng pagkakataon ang ikatlong telco para makapaglatag ng serbisyo nila para sa mga Pinoy.
Hindi kasi maitatatwa na talagang napag-iwanan ang Pilipinas ng mga karatig bansa sa Asya sa usapin ng internet connection.
Sabi nga, talo pa tayo sa iba pang mga bansa tulad ng Vietnam, Indonesia at Bangladesh.
Sinasabing kahanga-hanga ang speed ng internet sa Bangladesh kahit na kung tutuusin ay mas maunlad daw tayo sa kanila.
Nakita ng Pangulo noon na nasa telecommunication companies ang problema kaya ganito raw kabagal ang internet connection sa atin.
Ilan naman sa mga inirereklamo ng ilang telco ay ang red tape at korupsiyon daw sa mga lokal na pamahalaan kaya’t hirap silang magkabit ng tore.
Dito na pinapasok ng gobyerno ang China Telecom o Dito Telecommunity.
Mabilis naman ang internet ng Dito pero may ilang lugar na nawawalan ito ng signal.
Kung minsan, mahirap din daw tumawag sa ibang network at kahit sa parehong telco.
Umayos din naman ang serbisyo ng ilang kompanya sa pagpasok ng Dito.
Ang problema naman daw sa Dito, namimili ng cellphone ang subscriber identity module o subscriber identification module (SIM) card ng telco.
Well, wala namang perpekto sa mga polisiya ng gobyerno, gayundin sa serbisyo ng telecoms.
Napapanahon nga raw ang ginawang paglagda ni Pangulong Duterte sa panukalang amendyahan ang Public Service Act (PSA) na nagbibigay-daan upang magkaroon ng 100 percent na ownership ang mga dayuhang kompanya sa public services sa bansa.
Ang Republic Act (RA) No. 11659 (An Act Amending Commonwealth Act No. 146 otherwise known as the Public Service Act) ay pinirmahan ng Punong Ehekutibo kamakailan sa harap ng ilang mambabatas at government officials.
Sa ilalim ng inamyendahang PSA, itinuturing nang public services ang telecommunications, railways, expressways, airports, at shipping industries.
Pinapayagan ang 100 percent foreign ownership sa mga nasabing sektor.
Makatutulong daw ang batas na ito upang agarang makabangon ang bansa mula sa Covid-19 pandemic.
Sa pamamagitan nito, siyempre, papasok na ang foreign investors sa mga public services na kailangan ng mga tao.
Sakaling mangyari ito, darami ang trabaho at lalakas ang ating ekonomiya.
Magkakaroon din ng kompetisyon at maaaring maputulan ng sungay ang mga kompanyang tila nananabotahe sa kanilang serbisyo.
Sa programang WALANG SINASANTO ng inyong lingkod sa RADYO PILIPINAS 738AM, sinabi naman ni Commissioner Johannes Bernabe ng Philippine Competition Commission (PCC) na babantayan nila ang mga posibleng magka-kartel o nagsasabwatang kompanya.
Hindi raw ito nangangahulugan na pababayaan na lang at hindi ire-regulate ang mga bagong papasok na dayuhang kapitalista.
Maganda raw ang maidudulot nito dahil sa wakas ay magkakaroon na ng bukas o free competition sa iba’t ibang public services na tinutukoy sa ilalim ng RA 11659.
Ayon kay Bernabe, may 140 bansa na sa buong mundo ang may katulad na batas upang tiyakin na magiging pantay-pantay ang playing field sa negosyo.
Hindi na rin daw pala uubra ang mga dating gawi ng mga kasalukuyang kompanya bunsod ng umiiral na batas.
Bukod dito, magkakaron din, siyempre, ng equal access ang foreign firms sa essential facilities para makasabay sa mga kompanya sa bansa.
Sa implementasyon ng bagong batas, mahalaga rin daw ang political stability, legal certainty, at predictability.
Naniniwala rin naman po ako na talagang maganda ang bagong competition law para pausbungin ang iba’t ibang industriya sa bansa.
Sadyang mahalaga ang mga ganitong pagbabago at hindi na lamang kung ano ang nakagisnan ang ating pagtitiyagaan.