TATLONG tumblers na dinekorasyunan ng “Labubu” characters ang nagtataglay ng mataas na antas ng nakalalasong lead, ayon sa isang anti-chemical pollution advocacy group.
Iniulat ng EcoWaste Coalition na ang mga tumbler ay bahagi ng anim na unofficial “Labubu” merchandise items na ibinebenta P275 bawat isa.
Mahigit 1,000 parts per million (ppm) ng lead ang natuklasan sa tatlong tumblers — pink, red, at yellow — na sinuri gamit ang X-ray fluorescence analyzer.
Ang pinahihintulutang lead limit para sa pintura ay 90 ppm.
“While reusable tumblers are a great substitute to the ubiquitous single-use bottles and cups, these eco-friendly alternatives must be safe from hazardous materials like lead in paint, which can chip over time with repeated use and which may end up being ingested by the user who is not aware of the health risk,” pahayag ng grupo sa isang statement.
Dagdag pa ng grupo, ang pagkakalantad sa lead, kahit sa mababang doses, ay mapanganib sa kalusugan.
Ayon sa World Health Organization (WHO), ang bata ang partikular na mahina sa toxic effects ng lead at maaaring dumanas ng permanenteng masamang epekto sa kalusugan, lalo na sa development ng central nervous system.
Ang lead ay nagdudulot din ng masamang epekto sa adults, kabilang ang mas mataas na panganib ng high blood pressure, cardiovascular problems, at kidney damage.
Samantala, ang lead exposure sa panahon ng pagbubuntis ay maaaring maging sanhi ng reduced fetal growth at preterm birth.
Ipinanukala ng EcoWaste Coalition na magtalaga ang national government ng regulatory agency na mangangasiwa sa pagpapatupad ng lead paint ban sa consumer products, tulad ng water tumblers, kabilang ang pag-aalis sa merkado ng mga hindi sumusunod.
Hinikayat din nito ang mga importer na magpasok lamang ng mga produkto na may authentic certificates of conformity sa 90 ppm lead limit para sa pintura.
Ang mga retailer at online seller ay hinihikayat ding humingi ng nasabing certificates mula sa suppliers bago magbenta ng anumang painted water tumblers.