SIYAM na coastal areas at bays ang nanatiling positibo sa paralytic shellfish poison (PSP) o toxic red tide na lagpas sa regulatory limit, ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Sa shellfish bulletin na may petsang September 16, sinabi ng BFAR na hindi ligtas kainin ang lahat ng uri ng shellfish at Acetes sp., na kilala rin bilang alamang, na nakolekta sa coastal waters ng Zumarraga Island sa Samar, coastal waters of Daram Island, Carigara Bay sa Leyte, Dumanquillas Bay sa Zamboanga del Sur, coastal waters ng Tungawan sa Zamboanga Sibugay Province, Cambatutay Bay sa Samar,
Irong-Irong Bay sa Samar, Maqueda Bay sa Samar, at Matarinao Bay sa Eastern Samar
Ligtas namang kainin ang isda, pusit, hipon, at alimango basta sariwa at huhugasang mabuti, at alisin ang internal organs tulad ng hasang at bituka bago lutuin.
Ang mga indibidwal na nadale ng red tide ay maaaring makaranas ng mga sintomas tulad ng pamamanhid sa paligid ng bibig at mukha ilang minuto makaraang makakain ng nakalalasong shellfish.
Samantala, ligtas na sa red tide ang Puerto Princesa Bay sa Puerto Princesa City, Palawan, gayundin ang coastal waters ng San Benito sa Surigao del Norte.