(Publiko binalaan ng DHSUD) 4PH GINAGAMIT NG SCAMMERS

4ph

MULING nagbabala ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) sa publiko laban sa mga mapagsamantalang indibidwal at grupo na ginagamit ang Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Housing (4PH) Program upang mag-solicit ng cash mula sa mga walang kamalay-malay na biktima.

Inilabas ulit ni DHSUD Secretary Jose Rizalino Acuzar ang babala sa publiko sa gitna ng impormasyon hinggil sa pagso-solicit gamit ang 4PH Program, partikular na binibiktima ang overseas Filipino workers (OFWs).

Batay sa impormasyon mula sa DHSUD, ilang indibidwal o grupo ang nanghihikayat ng “investors”, partikular ang OFWs, upang tustusan ang 4PH projects kapalit ng kaakit-akit na return rates.

“Hindi po kami tumatanggap ng investors para magpagawa ng 4PH projects. Wala pong authorized na opisina o tao, kahit dito sa DHSUD, na makipag transaksyon tungkol sa ganitong investment scheme,” pahayag ni Acuzar sa isang news release nitong Linggo.

“Fake news po ‘yan, o mas malala baka po scam,” dagdag pa niya.

Hinikayat ni Acuzar ang  publiko na i-report ang anumang impormasyon hinggil sa mga indibidwal o grupo na nagpapanggap na mga ahente ng 4PH. Binigyang-diin niya na ang mga  interesado sa 4PH ay dapat lamang makipag-ugnayan sa DHSUD o sa kanilang host local government units (LGUs).

“Any information relayed to DHSUD will be handled with utmost confidentiality as he vowed to throw the book against those found abusing 4PH,” ayon sa housing czar.

“We will exert the full force of the law against these unscrupulous individuals or groups preying on unsuspecting victims,” sabi pa niya.

Tiniyak niya na hindi kukunsintihin ng DHSUD ang anumang ilegal na gawain na naglalayong siraan ang pagpapatupad ng 4PH sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Para i-report ang anumang pagdududa sa mga ilegal na aktibidad, tulad ng solicitations, kaugnay sa 4PH, tumawag lamang sa (02) 8424-4070, o mag-email sa [email protected].