(Publiko binalaan ng DTI) TRAVEL BOOKING SCAMS

NAGBABALA ang Department of Trade and Industry (DTI) sa publiko laban sa ilang travel booking scams na  nag-o-overpromise sa vacation o hotel accommodation promos.

Ayon kay Trade Assistant Secretary Amanda Nograles, nakatanggap ang ahensiya ng ilang reklamo hinggil sa mga supplier na hindi kinikilala ang online bookings o inaakusahan ng false advertising para sa  destinations o accommodations.

“Minsan dumadating sila sa location tapos hindi ino-honor ‘yung booking nila or minsan sinasabi na first class o napakaganda ng ibu-book nila pero hindi naman pala,” ani Nograles.

Dahil dito ay pinayuhan niya ang mga consumer na mag-book o makipag-transact lamang sa mga lehitimong travel agents o yaong mga provider na alam nila na rehistrado at tingnan ang permits ng mga ito.

Hindi naman ibinigay ni Nograles ang bilang ng mga reklamo na kanilang natanggap laban sa naturang travel scams, subalit sinabi niya na kadalasan ay seasonal incidents ang mga ito.

“Bago po tayo magbayad, siguraduhin po natin na doon tayo sa tamang payment instructions at kung magbayad man tayo, ano ang ie-expect kapag magbabayad? Kaliwaan ba ibibigay ang electronic copy ng ticket o ‘yung reservation sa accommodation?” aniya.

“Makikita naman sa mga reviews kung mayroon doon aberya o mga reklamo nila tungkol sa nagbebenta ng ticket o reservation sa accommodations,” dagdag pa niya.

Pinayuhan din ni Nograles ang mga nabiktima ng travel scams na ito na i-report ang  fraudulent service providers sa pamamagitan ng email sa [email protected]