(Publiko binalaan ng privacy commission) HUWAG MAGPALOKO SA ‘SMISHING’

BINALAAN ng National Privacy Commission (NPC) ang publiko laban sa ‘smishing’ o isang uri ng phishing sa pamamagitan ng text messages.

Sa PTV’s Laging Handa, pinaalalahanan ni NPC Commissioner Raymund Liboro ang publiko na huwag i-click ang links na ipinadadala via SMS mula sa unknown numbers.

“Itong smishing ay paraan ng mga hacker na magpadala ng mensahe via SMS at ito po ay may mga link na kung kayo ay magki-click dadalhin kayo sa isang website na maaari  kayong tanungin ng dagdag pang impormasyon, ano ba ang iyong bank account number, mga password na siyang magdudulot ng sari-saring problema sa inyo, kabilang diyan papasukin ang bank account ninyo at lilimasin ang inyong ipon,” ani Liboro.

Sinabi ni Liboro na sinisiyasat ngayon ng ahensiya ang mga ulat ng smishing na may kinalaman sa contact numbers na nakuha sa pamamagitan ng contact tracing forms.

Pinayuhan ni Liboro ang mobile phone users na agad i-block ang unknown numbers na nagpapadala ng suspicious links.

Comments are closed.