IBINABALA sa publiko ng Philippine Archdiocese of Cagayan de Oro ang isa umanong “catholic group” na nanghihingi ng donasyon.
Ayon kay Cagayan De Oro Archbishop Jose Cabantan, hindi bahagi ng Simbahang Katolika ang “Order of Apostolican” Missionaries na nag-iikot umano para manghingi ng donasyon para sa pagpapakalat ng salita ng Diyos at programa para sa mga mahihirap.
Wala aniya ang grupong ito sa talaan sa ilalim ng Roman Catholic Church sa kabila ng paggamit nila ng katagang Katoliko sa pagpapakilala.
“It may have carried the name ‘catholic’ but it is not connected with us,” paglilinaw ni Cabantan.
Napag-alaman din sa isinulat ni Cabantan sa kanyang circular order na ang tinukoy na “religious community” ay may inaako na isang “mission house” at “formation house” sa bayan ng Malaybalay sa Cagayan de Oro.
Pero giit ng Arsobispo na ang grupo ay hindi kilala sa lugar at wala rin ito sa Catholic directory ng bansa.
“I cautioned all the faithful to please exercise extra vigilance against this bogus group. Please report similar incidents to our chancery office,” babala ng Arsobispo sa publiko. Jeff Gallos