PINAALALAHANAN ni Mayor Toby Tiangco ang mga Navoteño na simula pa 2018, bawal na sa Navotas ang paggamit ng vape sa mga pampublikong lugar.
Ani Tiangco, nakasaad sa City Ordinance No. 2018-15 o Navotas Comprehensive Anti-smoking Ordinance na parehong may parusa ang paninigarilyo o pag-vape sa publiko.
Ang ordinansang ito ay ipinasa at ipinatupad bago pa ipag-utos ni Pangulo Rodrigo Duterte ang pagbabawal sa vaping.
Ayon sa ordinansa, maliban sa designated smoking areas, bawal ang paninigarilyo o pag-vape sa mga sarado o bahagyang saradong pampublikong lugar, opisina, o sasakyan.
Kasama sa mga lugar na may absolute smoking ban ang mga pasilidad pampamahalaan, paaralan, parke, lugar na pinupuntahan ng mga kabataan, ospital at iba pang pasilidad pangkalusugan, mga lugar kung saan may mga pagkaing hinahanda, at iba pa.
Ilegal din ang pagbenta o pagbili mula sa mga menor de edad ng mga produktong tabako at Electronic Nicotine Delivery Systems (ENDS) o Electronic Non-Nicotine Delivery Systems (ENNDS).
Ang mga lumabag ay magmumulta ng P500 sa unang pagkakasala at P1,000 sa pangalawa. Ang pangatlo o susunod pang paglabag ay mapaparusahan ng P2,500 multa o tatlong buwan na pagkakabilanggo. EVELYN GARCIA
Comments are closed.