PUBLIKO BINALAAN SA ONLINE GAMBLING

NAGBABALA sa publiko ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na huwag tangkilikin ang ilegal na online gambling upang maiwasan na mai-scam at mahulog sa identity theft at credit card fraud.

Sinabi ng Pagcor na ang pagpusta sa illegal gambling activities ay hindi lamang aktong kriminal kundi ninanakaw din nito ang bilyon pisong kita ng gobyerno na dapat sana ay magamit sa mga prayoridad na programa.

Sa halip, hinikayat ng Pagcor ang mga gaming aficionados na pumusta sa mga lisensiyadong online-based gaming gaya ng Electronic games (E-Games) and Electronic bingo games (E-Bingo) na masaya at ligtas na laruin.

Tiniyak ng Pagcor na pananagutin ang mga operator ng illegal online gambling activities na madidiskubre ng Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI), Bureau of Immigration (BI) at Office of Cybercrime (OOC) sa ilalim ng Department of Justice (DOJ).

Nabatid na upang matigil ang pagkalat ng ilegal na online gambling, ang mga legal o rehistradong online gaming websites ay inoobliga ng membership registration na istriktong inoobserbahan sa Know-Your-Customer (KYC) features para sa beripikasyon.

Ang bagong miyembro ay dapat na mag-deposito ng P1,000 na hindi pwedeng i-withdraw sa loob ng isang buwan sa panahon na nag-miyembro at bago makapaglaro ay mayroon munang verification process. VERLIN RUIZ