PUBLIKO BINALAAN SA PAGGAMIT NG PAPUTOK

BAGO ang pagsalubong sa pagpasok ng taong 2023, muling nagbabala ang Philippine National Police sa publiko na sumunod sa mga regulasyon at batas kaugnay sa paggamit ng mga paputok at pailaw.

Ito ay kasunod ng ulat na paglobo ng firecracker related cases at insidente ng sunog sanhi ng pyrotechnic products..

Sa datos na ibinahagi ng DILG sa PNP, sinasabing nakapagtala ang Bureau of Fire Protection ng 19 na insidente ng sunog dahil sa paputok ngayong taon.

Ayon kay BFP Spokesperson Fire Supt. Annalee Carbajal-Atienza, lubhang mas mataas ang bilang na ito kumpara noong nakaraang taon na nasa pito lamang.

Ani Atienza, bagaman mas mababa pa rin ang kabuuang fire incidents mula Enero 1 hanggang Disyembre 26 ay nasa 13,029 kumpara sa 13,574 na naitala sa parehong panahon noong 2021.

Kaya muling nag paalala ang PNP sa inilabas nilang guidelines hinggil sa mga ipinagbabawal na paputok partikular yung mga overweight (dapat na hindi lalampas sa 0.2 gram o one third ng kutsarita) at oversized gaya ng Super Lolo at Giant Whistle Bomb maging mga Imported pyrotechnic product.

Nabatid na sa datos ng DOH simula kamakalawa ay umakyat na sa 25 ang bilang ng fireworks-related injury mula sa pinagsama-samang report mula sa 61 na DOH sentinel hospitals.

Ayon sa PNP, higit na mataas na ito ng 14% kumpara sa naitalang kaso noong nakaraang taon sa parehong panahon.

Pinakamarami sa mga naitala ay mula sa Region 6 na may 5 kaso; sinundan naman ito ng Regions 5, 7, at 12, na may tig-tatlo; at Regions 1, 4A, 11, at National Capital Region na may tig-dalawa.
Sinasabing ang Boga, whistle bomb, kuwitis at 5-star ang mga paputok na karaniwang nagiging dahilan ng firework related injury.

Kaugnay nito, inatasan ng PNP ang bawat komunidad o lungsod na maglagay ng firecracker display zone o community display area kung saan maaari lang gumamit ng mga pinapayagang uri ng paputok .

Bawal din ang pagbebenta ng mga paputok sa harapan ng mga bahay o sa mga lugar na hindi sakop ng firecracker zone. VERLIN RUIZ