PUBLIKO BINALAAN VS FAKE EMAIL NG OBISPO

Bishop Dialogo

NAGBABALA ang isang obispo ng Simbahang Katolika sa publiko at mananampalataya laban sa huwad na email account na ginagamit ang kanyang pangalan upang manghingi ng samu’t saring donasyon.

Ayon kay Sorsogon Bishop Jose Alan Dialogo sa Obispo, nasasaad sa e-mail na nanghihingi ng donasyon si Bishop Dialogo upang makabili ng bagong tabernakulo para sa Katedral ng Sorsogon.

Nilinaw ng obispo na wala siyang kaugna­yan sa e-mail account na ginagamit ang kanyang pangalan at hindi totoo na sila ay nangangalap ng pondo pambili ng bagong tabernakulo ng katedral.

Hinimok ni Bi­shop Dialogo ang mga mananampalataya na ipagbigay alam sakaling makatanggap ng anumang mensahe na nanggagamit ng pangalan ng mga obispo, pari o anumang institusyon ng simbahan.

Samantala, ganito rin halos ang nangyari kay Father Reginald Malicdem, Rector ng Manila Cathedral, matapos siyang makatanggap ng ulat na ginagamit ang kanyang pangalan upang manghingi ng donasyon para sa “farewell party” at pambili ng regalo para kay Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle.

Nilinaw ni Father Malicdem na walang “farewell party” para kay Cardinal Tagle sa January 5, ika-4 ng hapon sa Manila Cathedral.

Iginiit din ng pari na hindi rin sila nanghihingi ng donasyon pambili ng crosier o Pastoral staff na ipapabaon sa Cardinal sa pagtugon nito sa kanyang tungkulin bilang pangulo ng Propaganda Fide sa Vatican.

Matatandaang Oktubre noong nakaraang taon ay ginamit din ang pangalan ni Cebu Abp. Jose Palma upang mang­hingi ng donasyon dahil sinasabing siya ay nasa Ukraine at naubusan ng pera pabalik ng Filipinas.

Nobyembre 2019, si Kalookan Bishop Pab­lo Virgilio David Vice President ng C-B-C-P ay nabiktima rin naman ng parehong modus kung saan ginawan siya ng pekeng Facebook account na nanghihingi din ng donasyon pambili ng tabernakulo. PAUL ROLDAN

Comments are closed.