NAGBABALA na ang pamunuan ng Philippine Post Office sa publiko na mag-ingat laban sa umanoy mapanlinlang na tawag mula sa mga indibidwal na nagpapanggap na bahagi ng postal corporation.
Sinabi ng PhilPost sa kanilang public advisory na hindi ito tumatawag sa mga kliyente nito para sa anumang transaksyong pinansyal.
Nagbabala ang Post Office sa mga scammer na ginagamit ang kanilang mga kasanayan sa computer upang i-configure ang mga tawag at ipakita na ito ay mga lehitimong tawag mula sa Customer Service Hotline ng postal corporation, (02) 8288-7678.
“This official number, however, is being used by the Post Office for the sole purpose of entertaining inbound calls from the mailing public who are tracing the whereabouts of their mail or parcels,” anang Post Office .
“It is never used for outgoing or outbound calls for verifications on senders or addressees of postal matters,” dagdag pa.
Ang babala ay inilabas matapos magtungo ang tatlong pribadong mamamayan kamakailan sa Cebu Post Office upang magtanong tungkol sa mga kahina-hinalang tawag sa telepono na kinumpirma na “spoofed o cloned na mga tawag na may end view ng extortion.”
Pinayuhan ng Post Office ang publiko na huwag magbigay ng mga impormasyon sa mga scammer.
Ipinaalam na ng Post Office sa Department of Information and Communications Technology at National Telecommunications Commission na imbestigahan ang mapanlinlang na pamamaraan.
Humingi rin ito ng tulong sa Philippine National Police at sa kasalukuyan nitong telephone service provider para matugunan ang sinasabing package scam. PAUL ROLDAN