PUBLIKO BINALAAN VS NAGPAPANGGAP NA BSP REPS

MULING binalaan kahapon ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang publiko laban sa mga grupo na nagpapanggap na mga kinatawan ng central bank upang makapanloko.

Sa isang advisory, sinabi ng BSP na may mga indibidwal at entities na ginagamit ang pangalan o pirma ng mga opisyal ng BSP o pangalan at logo nito sa kanilang liham, emails, mensahe, websites, o social media accounts.

Pagkatapos ay ginagamit ito ng mga scammer upang makakuha ng impormasyon, bilang bahagi ng kanilang pamamaraan para makapanloko.

“Bilang proteksiyon sa sarili, iwasang magbigay ng personal at financial account information at huwag ding basta magpadala ng pera sa mga kahina-hinalang indibidwal o entity,” paalala ng BSP.

“Pinapayuhan ang publiko na suriing mabuti ang mga mensaheng natatanggap o transaksyong inaalok mula sa mga nagpapakilalang kinatawan ng BSP, at agad i-report ang mga kahina-hinalang mensahe,” dagdag pa nito.

Ang official headquarters ng BSP ay matatagpuan sa A. Mabini St. corner P. Ocampo St., Malate, Manila. Maaaring tawagan ang central bank sa (+632) 8811-1277 o 8811-1BSP o mag-email sa [email protected]