NAGBABALA ang Food and Drug Administration (FDA) sa publiko at healthcare professionals hinggil sa pagbili at pag-inom ng pekeng paracetamol tablets.
Sa isang advisory na nilagdaan ni FDA Director General Samuel Zacate, nagpakita ang ahensiya ng mga litrato ng pekeng paracetamol (Biogesic®) 500 mg tablet na may kakaibang lot number, capsule, knurling, at print appearance kumpara sa tunay.
Dahil dito ay pinaalalahanan ng FDA ang publiko na bumili lamang ng gamot mula sa FDA-licensed establishments, dahil ang mga peke ay maaaring makasama sa kalusugan ng mga iinom nito.
Binalaan din ng ahensiya ang mga establisimiyento na magbebenta ng pekeng gamot na papatawan sila ng karampatang parusa.
“Ang pag-aangkat, pagbebenta at pamamahagi nito ay paglabag sa Republic Act No. 9711 or the Food and Drug Administration Act of 2009, and Republic Act No. 8203 or the Special Law on Counterfeit Drugs. Ang sino mang mapatunayang nagbebenta ng nasabing pekeng produkto ay mapaparusahan,” nakasaad sa advisory.