PUBLIKO, HINIKAYAT NA PATULOY NA TUMALIMA SA HEALTH PROTOCOLS

SEN BONG GO-2

KASUNOD ng nalalapit nang pagdiriwang ng panahon ng Kapaskuhan, hinikayat ni Senador Christopher ‘Bong’ Go, chairperson ng Senate Committee on Health, ang publiko na iwasan na muna ang pagdaraos ng mass gatherings at mga kasayahan ngayong holiday season, habang nananatili pa rin ang banta ng pandemya ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa isang panayam habang personal na pinamumunuan ang pamamahagi ng ayuda para sa mga biktima ng bagyo sa Plaridel, Bulacan nitong Biyernes, sinabi ni Go na bagamat nauunawaan niya ang kahalagahan ng family gatherings tuwing Pasko, dapat aniyang bigyan din ng halaga ang kaligtasan at buhay ng mga mahal natin sa buhay, lalo na at ang mga malakihang pagtitipon ay maaaring magulot nang pagkalat pa ng virus.

“Ako, dini-discourage ko po ang any party, any celebration. Maaaring magkahawaan ng sakit,” ayon pa kay Go.

Una nang hinikayat ni Go ang Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) na magbigay sa publiko ng mga gabay at panuntunan sa health at safety protocols na kanilang ipapatupad, partikular na sa mga pagdaraos ng anumang uri ng pagtitipon, ngayong papalapit na ang Christmas season.

Ipinaalala rin ni Go na ngayong unti-unti nang binubuksan ng pamahalaan ang ekonomiya habang nagpapatupad ng mga kinakailangang health at safety protocols upang protektahan ang mga Pinoy sa gitna ng krisis, ay dapat pa ring ang kaligtasan at kalusugan ng mga mamamayan ang gawing prayoridad sa paggawa ng pamahalaan ng anumang desisyon.

“Safety first. Para sa akin, unahin muna natin ang kalusugan ng ating mga kababayan. Mas importante sa akin ang buhay ng bawat Pilipino,” anang senador, at idinagdaga na, “Ang pera po ay kikitain natin pero ‘yung perang kikitain natin ay hindi mabibili ang buhay. A life lost is a life lost forever.”

Pinayuhan din niya ang mga Pinoy na manatiling vigilante at patuloy na tumalima sa minimum health and safety protocols na ipinatutupad ng pamahalaan sa pag-iwas ng COVID-19, habang patuloy pa rin ang ginagawang pag-develop sa bakuna laban sa virus.

“Kasama natin ang ating pamilya, pero wala munang parties dahil delikado pa po habang wala pa pong vaccine, no time to celebrate, ‘wag muna tayong mag-celebrate, ang importante kasama natin pamilya sa isang bahay,” giit pa ni Go.

Pagtiyak pa niya, sa sandaling magkaroon na ng bakuna, prayoridad ni Pang. Rodrigo Duterte at ng pamahalaan, na mabigyan nito ang mga less fortunate, gayundin ang mga medical frontliners at iba pang vulnerable sectors. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM

Comments are closed.