(Publiko hinikayat na tumulong sa implementasyon ng national vaccination program) WALANG DELAY SA VACCINE ROLLOUT- BONG GO

TINIYAK ni Senador Christopher ‘Bong’ Go na tuloy at hindi maaantala ang isinasagawang vaccine rollout ng pamahalaan para sa mga mamamayan, kasabay nang paghikayat sa mga ito na makipagtulungan sa gobyerno para sa mas mabilis at maayos na implementasyon ng national vaccination program.

Ayon kay Go, sa kabila ng maraming hamon na kinakaharap ng maraming bansa dahil sa limitadong suplay ng bakuna laban sa COVID-19 sa world market, nagawa ng pamahalaan na makapag-secure ng sapat na dami ng doses para sa mga Pinoy.

Sa isang pahayag, tiniyak ni Go na inaasahan ng pamahalaan na darating na sa susunod na linggo ang karagdagang donasyon na nasa 400,000 doses ng Coronavac ng Sinovac vaccine, at isang milyong doses nito na binili ng pamahalaan, base na rin sa pinakahuling ulat ni vaccine czar Secretary Carlito Galvez, Jr.

Karagdagan aniya ito sa unang 600,000 doses ng CoronaVac jabs na donasyon ng Chinese government.

Sinabi pa ng senador na inaasahan na rin ng gobyerno ang pagdating ng 979,200 AstraZeneca doses, bilang karagdagan sa 525,600 doses na unang natanggap sa pamamagitan ng COVAX Facility.

“The steady supply of vaccines will provide the country with more than 3.5 million doses enough to inoculate our 1.7 million healthcare workers towards the second quarter of 2021,” ayon kay Go, chairperson ng Senate Committee on Health.

Dahil naman aniya sa pagkakaloob na kamakailan ng Food and Drug Administration (FDA) ng Emergency Use Authorization (EUA) sa Sputnik V vaccines ng Gamaleya, inaasahan ng pamahalaan na makakakuha ng may tatlong milyong doses ng naturang bakuna sa sandaling matagumpay na matapos ang negosasyon hinggil dito.

Bukod dito, inaasahan na ring magdadatingan ang mas marami pang deliveries ng mga bakuna mula sa Sinovac, Sputnik V, Moderna, Novavax, AstraZeneca at iba pang sources sa kalagitnaan ng taon, alinsunod sa ating National Vaccine Roadmap.

Inihayag ng senador na kailangang maging prayoridad sa pagbabakuna ang mga healthcare worker dahil sila ang pinakalantad sa giyera laban sa COVID-19, kaya’t hindi dapat na makipag-unahan ang ibang sektor sa kanila.

Tiniyak naman niya na sa sandaling mabakunahan ang mga medical frontliners at essential workers ay isusunod na nila ang mga mahihirap at vulnerable sectors, na siya aniyang pinakanangangailangan at pinakaapektado ng pandemya upang unti-unti nating maibalik sa normal ang kanilang pamumuhay.

Nanindigan rin si Go na walang delay na nagaganap sa vaccine rollout ng bansa, at ipinaliwanag na tumatalima lamang sila sa mga kinakailangang proseso para dito. PMRT

Comments are closed.