DAHIL marami na ang mga pagbabago sa nakaraang 35 taon, kailangan nating lahat na mag-adjust sa panahon sa halip na manatiling sarado.
Ito ang iginiit ni Senador Robin Padilla sa pagdinig ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes na kanyang pinamumunuan kaugnay sa pagtalakay ng Charter change.
“Nasa 2022 na tayo. Kailangan lamang siguro sa panahon ngayon ay mag-adjust tayo kung ano ang nangyayari, una sa paligid natin at kung ano ang nangyayari sa mundo. Dapat nandoon na po tayo.
Hindi po tayo dapat sarado,” ani Padilla.
Ayon kay Padilla, bagama’t wala siyang sinisisi o sinasabing may mali sa 1987 Constitution, ang mga Saligang Batas sa ating kasaysayan ay dumaan sa pagbabago.
“Kailan man po wala kaming sinabi na kasalanan ng isang pangulong dumaan kung ano man po ang nangyayari na kahirapan sa Pilipinas. Wala po kaming sinasabing ganoon. Ang malinaw po naming pinaparating po sa inyo na sa mga dumaan na panahon, natural lamang po na nagbabago ang Constitution,” aniya.
Ipinunto niya ang sinabi ng isang resource person sa pagdinig, si Prof. Anthony Amunategui Abad, na nag-a-adjust ang Constitution sa takbo ng panahon.
Ani Padilla, sa Estados Unidos, nagkaroon na ng pagbabago sa kanilang Constitution, kung kaya’t “ibang iba na” ang kasalukuyan nilang Konstitusyon sa Saligang Batas nila noong 1776.
Inulit din niya na pakikinggan ang lahat ng panig sa pagdinig ng komite niya, dahil naging balanse siya rito. LIZA SORIANO