PUBLIKO HINIMOK NA GUMALAW GALAW LABAN SA DIABETES

INIHAYAG ng ekonomistang si Dr. John Paulo Rivera na sa halip na magpataw ng mga bagong buwis sa mga matatamis na inumin, na maaaring magpalala sa inflation at makadagdag sa mas mataas na mga presyo para sa pangkalahatang populasyon, may iba pang alternatibo at mas mahusay na pagkukunan ng kita para sa gobyerno.

Sinabi ni Rivera na mali aniyang i-target ang mga matatamis na inumin bilang sanhi ng laganap na diabetes.

Ang labis na pagkonsumo ng refined carbohydrates tulad ng puting bigas ay maaaring magpataas ng blood glucose level at magpataas ng panganib ng type 2 diabetes.

Hinihimok din ni Rivera ang mas maraming pisikal na aktibidad at pagkain ng balanse bilang solusyon sa problema sa diabetes.

Sinabi naman ng Unibersidad ng Pilipinas Prof. Hercules Callanta na ang regular na pisikal na aktibidad at ehersisyo, ang pagkain ng balanse ay mabisang paraan upang mabawasan ang panganib ng pagkakaroon ng diabetes.

Ipinaliwanag ni Callanta na para sa mga lalaki, ang waistline na 35.25 inches o 90 centimeters ay normal at anumang bagay na higit sa 36 inches ay itinuturing na “overweight”, habang para sa mga babae ang ideal waistline ay wala nang higit sa 31 inches o 80 centimeters.

Inirerekomenda ng World Health Organization (WHO) ang 150 hanggang 300 minutong pisikal na aktibidad kada linggo upang mapanatili ang mabuting kalusugan.

Hinihimok ni Callanta ang national government at local government units (LGUs) na isulong ang mga physical activities at fitness programs, Physical Exercise (P.E.) classes sa lahat ng paaralan, paglikha ng walkable roads na may totoong bangketa, paglikha ng maayos at ligtas na bike lane.

Para sa karamihan ng mga taong nakadikit sa mga screen ng computer o gadget habang nakaupo, pinayuhan ni Prof. Callante na huminto bawat isang oras at tumayo at gumawa ng mga simpleng pisikal na aktibidad o paggalaw nang hindi bababa sa dalawa hanggang apat na minuto.

Sina Prof. Callanta at Rivera ay naging panauhin kamakailan sa Pandesal Forum sa Kamuning Bakery sa Quezon City.