PUBLIKO HINIMOK NA SUMALI SA TRAFFIC SUMMIT

HINILING ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos ang pakikiisa ng publiko sa isasagawang traffic summit sa Miyerkoles, Abril 10.

Giit ng Pangulo, nararapat na marinig ang suhestiyon ng sambayanan kung paano masosolusyunan ang sitwasyon ng trapiko.

“Makilahok din kayo kahit sa comments section para malaman namin ang iba niyong mga idea at mga naiisip ninyo,” ang panghihikayat ng Pangulo.

Ayon pa sa Pangulo. ang pagpapa-unlad sa mga katabing lalawigan tulad ng Cavite, Laguna, Pampanga at Bulacan ay kabilang sa mga prayoridad para masolusyonan ang isyu sa trapiko.

Umapela sa publiko ang Pangulo ng pang-unawa dahil matagal na natatapos ang malalaking proyektong pang-impraestruktura.

Nanawagan na rin siya sa mga motorista at mananakay na maging disiplinado at sumunod sa mga batas-trapiko.

“Ang higit nating kakulangang mga Pilipino sa daan ay ang disiplina. Dapat susunod tayo sa traffic rules. Para tayong mauubusan lagi ng kalye. Bago man ang kalye, kung luma pa rin ang ugali natin, eh wala rin,” anang Pangulo.