INANYAYAHAN ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang publiko na makilahok sa ika-5 Metro Manila Shake Drill na nakatakda sa Hulyo 27 upang mapaghandaan ang hindi inaasahang malakas na lindol.
Ayon kay Michael Salalima, chief of staff ng MMDA Office of the General Manager na may kaugnayan din sa Disaster Risk Reduction and Management, nagpahayag kamakailan ng kanilang pagsuporta sa nasabing drill ang iba’t ibang mga ahensiya ng mga diplomat, utility companies, negosyante, transport group, at stakeholders kabilang ang media.
Hinikayat din ni Salalima ang industriya ng business process outsourcing (BPO), hotels, casinos, at iba pang establisimiyento na nag-ooperate ng 24 oras na sumali sa paghahanda ng night shake drill na magsisimula ng alas-4:00 ng madaling araw kung saan magpapatunog ng alarma bilang hudyat ng pagsisimula ng aktibidad.
“All-inclusive ang approach ni MMDA Chairman Danilo Lim pagdating sa paghahanda at pagresponde sa mga sakuna. Inaasahan namin ang gobyerno sa pagresponde at pagbibigay ng kahandaan para sa “The Big One” pero umaasa rin tayo sa pribadong sektor at iba pang non-government organizations na makipagtulungan sa atin,” pahayag ni Salalima.
Kaugnay nito, nakatanggap naman ang MMDA ng 200 safety helmets na ipinagkaloob ng isang pribadong kompanya na C’est La Vie Event Management. Ipamamahagi ang mga safety helmet sa mga quadrant commanders at iba pang magsasagawa ng earthquake scenarios sa nasabing shake drill.
Hinimok ng MMDA ang mga barangay na pag-ibayuhin ang pagbibigay kaalaman ng kanilang disaster plans tulad ng pagpapatupad ng “duck, cover, and hold”, paglikas, at pagsasagawa ng kanilang disaster and risk reduction preparations. MARIVIC FERNANDEZ