PUBLIKO KAILANGANG MAGSUOT PA RIN NG FACE MASK-EXPERT

DAPAT  pa ring ipagpatuloy ng publiko ang pagsusuot ng face mask.

Ito, ayon kay Dr. Rontgene Solante, isang Infectious Disease Expert at miyembro ng Vaccine Expert Panel, sa gitna ng kontrobersyal na facemask policy na ipinatupad sa Cebu.

Binigyang diin ni Solante na nasa State of Public Health Emergency pa rin sa bansa at hindi aniya dapat ilagay sa alanganin ang kalusugan ng publiko.

Sinabi pa ni Solante na hindi natin dapat gayahin ang ibang mga bansa na nagtatanggal na ng face mask policy dahil iba ang kapasidad ng mga ito.

Tiniyak naman ng Philippine National Police na ipagpapatuloy nila ang standing order at direktiba sa mga indibidwal na hindi sumusunod na panuntunan tungkol sa tamang pagsusuot ng face mask.

Hinikayat din ng publiko na sundin pa rin ang ipinapatupad na health protocols na itinakda ng Inter-Agency Task Force.

Matatandaang una nang inihayag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na hindi nila kikilalanin ang direktiba ni Cebu Governor Gwen Garcia na opsiyonal na lamang ang pagsusuot ng face mask sa outdoor set-up. DWIZ882