(Publiko pinaalalahanan) ‘WAG MALIGO SA DOLOMITE, BASECO BEACHES

NANAWAGAN si Manila Mayor Honey Lacuna sa mga residente at maging sa mga taga-ibang lugar na nagbabalak dumayo na huwag mag-swimming sa beaches ng Baseco, Dolomite at Manila Bay.

Ito ay dahil na rin sa ibinababala nitomg mataas na antas ng coliform sa mga nasabing beaches at ang paliligo rito ay may nakaambang seryosong panganib sa kalusugan.

“So please, please, nananawagan kami. Bawal lumangoy sa Baseco at Dolomite beach,” anang alkalde.

Nabatid kay Lacuna na naglagay na nang real-time water quality monitoring equipment sa tulong ng DENR-EMB National Capital Region sa Baywalk at Baseco beaches.

Sa pamamagitan ng nasabing sistema, natukoy na ang coliform ay lubhang mataas sa pinapayagang level.

“Ito po ay babala o paalala lang po sa ating mga kababayan. ‘Yan pong beach area sa Baywalk at Baseco ay di pa po maaring languyan. Nakapakataas pa rin po ng coliform, nasa 32,595.2. Ang allowable ay nasa 100 mpn per 100 ml lang. Kita niyo gaano kalaki, bumaba pa yan sa totoo lang,” diin ni Lacuna.

“Wag nyong subukang lumangoy sa dalawang ito… alam ko, napakainit pero hindi safe na lumangoy sa Baseco beach at sa Dolomite beach. Hindi po safe di pa ganun kalinis ang dalawang beach area na ito,” dagdag pa nito.

Humihingi din ng pang-unawa ang alkalde sa mga residente at maging sa hindi mga taga-lungsod sakaling sila ay pagbawalan sa kanilang paliligo sa nasabing beaches.

“Ipagpaumanhin nyo kung meron sa inyong sisita o pagbabawalan kayong lumangayo pero magkusa na kayo, wag nyo na subukan pa kasi baka mamaya pag lumalangoy, hindi maiwasang makainom ng tubig. Pag nagkasakit kayo, mas malaking perwisyo para sa inyo,” giit ni Lacuna.

Ang real-time water quality ay ang sukatan ng kalidad ng tubig sa partikular na dagat na available sa web sa real-time. Ang layunin ng sistema ay sukatin ang iba’t-ibang chemical at physical properties ng tubig tulad ng pH, temperature at ang particle density ng tubig gamit ang sensors.
VERLIN RUIZ