NAGBABALA ang Inter-agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases na huwag basta-bastang ibigay ang bank account details kasabay ng pagdami ng mga phishing o internet scam ngayong may lockdown para mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Abiso ito ni Cabinet Secretary Karlo Nograles sa mga may online transaction tulad ng online banking, mga namimili ng groceries online, at mga sumasali sa iba’t ibang donation drives.
“The easy cue has compelled those of us fortunate enough to have internet connections to do tasks [and not] leave our homes. Ngayon, may mga bumibili ng groceries at tinapay online. May mga nag-o-online banking o nagbabayad ng bills online,” aniya.
“We are warning everyone to be cautions when it comes to your bank details… ‘yung password. ‘Wag niyo po ibigay ang mga ‘yan hindi iyan hihingin ng bangko.”
Pinag-iingat din ni Nograles ang publiko ukol sa pagdo-donate online.
“May mga kriminal na nagpapanggap na kasapi sa mga respetadong institution so we encourage everyone to double-check these re-quests for donations,” dagdag niya.
Abiso ng kalihim, mainam kung sa personal na kakilala o rekomendasyon ng kakilala magpaabot ng donasyon para makaiwas sa mga scam.
Ayon sa datos ng National Bureau of Investigation Cybercrime Division at ng Bangko Sentral ng Pilipinas, tumaas nang 100 porsiyento ang mga nabibiktima ng phishing – o iyong mga internet scam na nanghihingi ng personal na detalye ng isang user.
Talamak ngayon ang mga donation drive para sa mga umaaray sa epekto ng enhanced community quarantine sa Luzon matapos matigil ang trabaho sa ilang sektor at nakapirmi ang mga tao sa kanilang mga tahanan.
Magtatagal ang enhanced community quarantine hanggang Abril 30.
Sa mga makararanas ng kahina-hinalang transaksyon, maaaring sumangguni sa hotline ng NBI na 09171893100 at 09617349450.
Comments are closed.