(Publiko pinag-iingat) LASON SA HALLOWEEN TOYS AT COSTUMES

Halloween costume

MAHIGPIT na nagbabala kahapon sa publiko ang EcoWaste Coalition, isang environmental organization na mag-ingat sa pagbili ng mga costume, decoration at laruang pang-Halloween, na peligroso sa kalusugan dahil maaaring  nagtataglay ito ng mga nakalalasong kemikal.

Nabatid na nagsagawa ng pag-aaral ang grupo hinggil sa mga nagkalat ngayong Halloween products habang papa-lapit ang Todos Los Santos.

Bumili ang grupo ng 35 Halloween products at  lumabas na ilan sa mga ito ay hindi nakarehistro sa health authorities, kulang sa mga label, at ang iba ay wala talagang label.

Ayon kay EcoWaste Coalition chemical safety campaigner Thony Dizon, binili ang mga produkto sa halagang P25 hanggang P199 sa 26 tindahan sa Monumento, Caloocan; Quiapo, Maynila; Libertad, Pasay; at Cubao, Quezon City.

Sa pagsusuri sa mga  produkto ay  nakitang ginamitan ang mga ito ng  pinturang may mataas na lead content.

Siyam na Halloween decorations — partikular ang pumpkin figurine sets, 3 Jack-o’-lantern, at 2 toy animals — ang may lead content na mas mataas sa regulatory limit na 90 parts per million (ppm).

May Jack-o’-lantern ding nakitaan ng 10,000 ppm, na lubha umanong masama sa kalusugan.

Nagpaalala ang Eco­Waste sa publiko na maging mapanuri sa mga binibiling produkto. VERLIN RUIZ

Comments are closed.