(Publiko pinag-iingat) ONLINE BANKING FRAUD

PINAG-IINGAT ang mga gumagamit ng online banking laban sa mga kawatan na nagnanakaw ng pera sa bank account ng isang indibidwal.

Ayon kay Jose Veloso, presidente ng Bankers Association of the Philippines (BAP), karamihan sa mga Pilipino ngayon ay gumagamit na ng online banking para sa kanilang mga transaksiyon magmula nang pumutok ang COVID-19 pandemic.

“Kailangang maging suspetsoso sapagkat ang kriminal ngayon hindi na pumapasok ng bangko na may hawak na baril. Basta may connectivity sila sa internet, ‘yan na ang simula ng kanilang pagkukuha ng pera sa mamamayan natin,” sabi ni Veloso sa panayam sa TeleRadyo.

Aniya, kadalasang kinukuha ng mga kawatan ang personal na impormasyon ng biktima tulad ng pangalan, araw ng kapanganakan at password.

“Gagawan nila ng paraan para makuha ang iyong pera sa account mo ng hindi mo nalalaman. Ita-transfer nila ‘yan sa mga mules o mga account na stopover para mailipat na naman sa ibang accounts,” sabi pa niya.

Para makontak ang mga biktima ay kanya-kanya aniyang paraan ang mga kawatan tulad ng personal na pagtawag, pag-email, o pagpapadala ng mensahe sa text.

Kapag nakaranas ng ganito ay makabubuti, aniya, na tawagan muna ang bangko at itanong kung may ganoon talaga silang ginagawang pag-uungkat ng personal information.

Pinayuhan niya ang lahat ng gumagamit ng online banking na gawing mas secure ang password at huwag na huwag magbibigay ng impormasyon tungkol sa kanilang bank account.