PUBLIKO PINAG-IINGAT SA DEHYDRATION

DEHYDRATION

BINALAAN ng Department of Health (DOH) ang publiko laban sa mga sakit na nakukuha sa pagpasok ng panahon ng tag-init  sa bansa.

Partikular namang pinayuhan ni Health Secretary Francisco Duque III ang publiko laban sa dehydration na ang pinakamabilis maapektuhan ay ang mga matatanda at  mga batang-bata pa.

Nagbabala si Duque na ang mga matatanda ay mas madaling magkaroon ng dehydration dahil hindi na napa-process ng kanilang utak ang uhaw, kaya’t  kahit walang tubig sa katawan ay hindi sila nauuhaw.

Bukod naman sa dehydration, dapat rin aniyang maging maingat ang publiko sa iba pang karamdaman sa tag-init, gaya ng pagtaas ng blood pres-sure, heat stroke, heat exhaustion, at mga sakit sa balat, gaya ng sunburn, bungang-araw at iba pa.

Paalala naman ni Duque sa publiko, iwasang magbilad sa ilalim ng araw, sa pagitan ng 10:00 ng umaga hanggang 4:00 ng hapon dahil mas mabilis itong ma­ging sanhi ng dehydration, heat stroke at heat exhaustion.

Payo pa nito, kung hindi talaga maiiwasang magbilad sa araw ay gumamit na lamang ng mga pananggalang sa init, gaya ng payong at sombrero at ugaliing uminom ng tubig upang hindi ma-dehydrate.

Gayundin, aniya mabilis din na ma-dehydrate ang mga bata at mga sanggol kaya  dapat na dalhan at palagiang painumin ng tubig ang mga ito.

“Simula na ng transition at papasok na po ang panahon ng tag-init. Ano ang mga usual sakit na dapat bantayan? Of course, ang pinakamala­king kalaban natin diyan ay dehydration. Lalo na ang mga matatanda at batang-bata,” ani Duque sa panayam sa radyo.

“Ang matatanda kasi, ang utak nila hindi na nila na pro-process ‘yung uhaw, kaya kahit na walang tubig sa katawan hindi pa rin sila nauuhaw, kaya lalo silang natutu­yot, nagkakaroon ng dehydration. Habang tumatanda kasi lumiliit ang utak natin e, kaya minsan ‘yung sensational thirst hindi na na-poproseso sa utak ng matatanda iyan, kaya kahit dehydrated hindi pa rin humihingi ng tubig,” dagdag pa ng kalihim.

Kaya’t payo nito, palaging magdala ng tubig at hikayatin ang bawat isa partikular ang mga matatanda at mga bata na uminom lagi ng tubig upang hindi ma-dehydrate. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.