PUBLIKO PINAG-IINGAT SA DENGUE

HINIKAYAT ni Manila Mayor Honey Lacuna ang lahat ng residente ng lungsod na gawin ang lahat ng ibayong pag-iingat para maiwasan ang dengue.

Nabatid na sa pinakahuling datos ay 1, 143 ang naitalang suspected dengue cases.

Ang lahat ng ito ay nagtataglay ng sintomas ng nasabing sakit.

Lumilitaw naman na ang ‘probable’ cases na positibo sa ginawang test ay 1,248, pero tatlo lamang sa mga ito ang kumpirmado.

Sinabi pa nito na dahil may running total na 2,394 ang mga hinihinalang may dengue, kinakailangan ng mag-ingat ang lahat sa sakit sa pamamagitan ng paglilinis ng kanilang kapaligiran upang maiwasan na magkaroon ng pag-iitlugan o breeding places ang mga dengue-carrying mosquitoes.

“May mga precautionary measures na pwedeng gawin to avoid dengue gaya ng patuloy na paglilinis ng kapaligiran, pagtanggal ng ‘stagnant water’, huwag hayaan na maraming lamok ang lugar, magsuot ng long sleeves at mag-spray ng anti-mosquito,” ayon sa alkalde.

Hinikayat din ng alkalde ang mga residente na ugaliing gawin ang “Enhanced 4-S” campaign ng Department of Health.

Ang 4S ay nangangahulugan ng Search and destroy mosquito-breeding sites, secure Self-protection measures tulad ng pagsusuot ng long pants at long sleeved shirts at araw-araw na paggamit ng mosquito repellent, Seek early consultation, at Support fogging or spraying sa mga hotspot areas kung saan naitala ang pagtaas ng kaso sa loob ng dalawang magkasunod na linggo upang mapigilan ang napipintong outbreak.

Iginiit nito na ang unang hakbang sa pagpigil ng dengue ay dapat na nagsisimula sa kanya-kanyang tahanan, sa pamamagitan ng pag-aalis ng mga sisidlan na maaaring pag-imbakan ng stagnant water na maaaring maging breeding sites ng dengue-carrying mosquitoes. Ito ay ang mga bote, dish dryer, plant axil, gutter, trash can, old rubber tires at iba pa.

Matatandaan na nang maupo si Lacuna bilang mayor ng Maynila, ang naging una niyang direktiba ay maglunsad ng cleanup campaign sa City Hall at 896 barangays sa lungsod. VERLIN RUIZ