PUBLIKO PINAG-IINGAT SA HEAT STROKE

HEAT STROKE-3

DAHIL sa papatindi pang pag-init ng panahon, muling pinaalalahanan ng Department of Health (DOH) ang publiko na maging maingat laban sa heat stroke.

Babala pa ni Health Secretary Francisco Duque III ang heat stroke ay maaaring makamatay o maging sanhi ng multiple organ failure, kung hindi maaagapan.

Payo pa ni Duque sa publiko, iwasan ang pagbibilad ng matagal sa ilalim ng sikat ng araw, partikular na sa pagitan ng 10:00 ng umaga hanggang 3:00 ng hapon, kung kailan pinaka­matindi ang sikat ng araw.

Kung hindi naman  maiiwasan na magbilad ay dapat na gumamit ng pananggalang sa sikat ng araw, gaya ng sumbrero at payong.

Dapat din ugaliing uminom ng maraming tubig upang hindi ma-dehydrate.

“Masama ang heatstroke. Puwedeng ikamatay ito pero madali namang iwasan basta’t huwag lang tayong maggagawa ng kung ano-ano sa ilalim ng matinding sikat ng araw dahil ‘yan ay hahantong sa heat exhaustion, pagkatapos heatstroke,” ayon pa kay Du-que.

“Dapat itong iwasan at uminom ng maraming tubig. Umilag sa matinding sikat ng araw,” aniya pa.

sinabi ng DOH na ilan sa mga sintomas ng heat stroke ay pagkahilo, pananakit ng ulo, mataas na lagnat, labis na pagpapawis, pagbilis ng tibok ng puso, at pagkawala ng malay.

Samantala, nagpaalala na rin si Duque sa publiko na ma­ging maingat rin sa paghahanda ng pagkain dahil mabilis itong mapanis kapag tag-init.

“Unang-una dahil tagtuyot madaling mapanis din ang mga pagkain so dapat sinisiguro na maayos ang paghahanda ng pagkain, maayos ang pagluluto. Huwag kakain ng kung ano-ano sa tabi-tabi,” anang Kalihim.  ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.