PUBLIKO PINAG-IINGAT SA HOLIDAY HEART SYNDROME

PINAG-IINGAT ng (DOH) ang publiko sa mga sakit na may kaugnayan sa holiday heart syndrome ngayong Pasko at Bagong taon.

Ayon sa DOH, ang Holiday Heart Syndrome ay isang kondisyon dulot ng labis na pag-inom ng alak, stress, kakulangan sa pahinga at pagkain ng maalat o matataba na nagpapataas sa presyon. Maaari itong humantong sa arrhythmia o abnormal na heart rhythm na isa sa sanhi ng stroke.

Ginawa ng DOH ang naturang paalala sa ginanap na Ligtas Christmas Hospital Preparedness and Response Rounds ng Department of Health bilang paghahanda ngayong Pasko

Sa pag-iikot ng DOH, ipinakita ng Philippine Heart Center (PHC) na pumalo sa  60 ang kaso ng stroke mula Hulyo hanggang Nobyembre 2024 na tinutukan ng ospital. Habang may naita­lang pitong kaso ng stroke bago pa man mag -Pasko, mula December 1 hanggang 20, 2024.

Maaari pang tumaas ang bilang ng mga kaso ng stroke matapos ang Pasko at pagsalubong sa bagong taon kung hindi mapipigilan ang labis na pag-inom ng alak at pagkain mula sa sunod sunod na handaan. Nakita na ng ospital ang ganitong pagtaas noong 2023.

Ayon sa PHC, noong Disyembre 2023 umabot sa 38 ang kaso ng stroke sa ospital na tumaas 42 pagdating ng Enero 2024. Ito ang pinakamataas na bilang ng stroke na naitala ng ospital sa buong taon.

Samantala, ang 110 kaso ng acute coronary heart syndrome na naitala ng PHC ng Disyembre 2023 ay tumaas sa 115 pagdating ng Enero 2024.