PUBLIKO PINAG-IINGAT SA KANDILANG NAKALALASON

Kandila

PINAYUHAN ng isang environmental group ang publiko na mag-ingat sa pagbili ng mga kandilang dadalhin nila sa mga sementeryo ngayong Undas.

Ayon sa EcoWaste Coalition, ito ay bunsod sa posibilidad na mayroon itong nakalalasong pabilo o wicks.

Nabatid na ginawa ng grupo ang babala nang matuklasang ang pabilo ng ilang kandila ay mayroong taglay na nakalalasong lead.

Partikular na tinukoy ng grupo ang mga kandila na ipinagbibili sa mga palengke sa Binondo, Manila, na karamihan ay kulay pula at nakalagay sa  glass containers na hugis kalabasa, lotus, at pinya.

Anang grupo, sa sandaling sindihan ang mga naturang kandila ay tiyak na magkakaroon ito ng hindi magandang epekto sa kalusugan ng mga mamamayan, partikular na sa mga kabataan na makalalanghap nito.

Dagdag pa ng grupo, ang usok ng mga kandila na may ‘lead-cored wicks’ ay maaaring magresulta sa ‘increased blood lead levels’ sa mga sanggol na nasa sinapupunan ng kanilang mga ina, mga sanggol na bagong pa­nganak at mga paslit.

Pinayuhan din nito ang grupo na bumili na lang ng mga locally-made candles upang matiyak na wala itong halong nakalalasong kemikal. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.