PINAG-IINGAT ng Department of Health (DOH) ang publiko laban sa nakamamatay na sakit na leptospirosis dahil na rin sa madalas na pag-ulan na nararanasan sa ilang lugar sa bansa dulot ng bagyong Falcon.
Ayon kay DOH Secretary Francisco Duque III, bukod sa dengue ay inaasahan na rin nilang darami ang mabibiktima ng leptospirosis dahil na rin sa mga pag-ulan at pagbaha.
“Unang-una dengue ano, at saka leptospirosis, ‘yan ang mga inaasahan mo na sisipa dahil nga sa mga pag-uulan at mga pagbabaha,” anang kalihim, sa panayam sa radyo.
Aniya pa, mahalagang kumilos na rin ang iba pang ahensiya ng gobyerno at mga lokal na pamahalaan para maiwasan ang pagdami ng kaso ng mga sakit ngayong panahon ng tag-ulan.
Pinayuhan rin niya ang mga lokal na pamahalaan na tiyaking maayos ang kanilang garbage collection, flood control measures at paglilinis ng mga es-tero.
“Pinapaalala natin sa mga lokal na pamahalaan ‘yung kanilang maayos, efficient na garbage collection, saka ‘yung kanil-ang flood-control measures,” ayon pa kay Duque. “Itong mga gawaing ito ay hindi lamang DOH ang puwedeng asa-hang magsagawa ng mga preventive and prevention, kundi the whole government approach ang kinakailangan dito, katulad ng DPWH, DENR, at lokal na pamahalaan, sa kanilang pagkolekta ng mga basura at proper waste disposal, at flood water management, daluyan ng tubig, paglinis ng estero, kinakailangang lahat ‘yan.”
Tiniyak din ni Duque na may sapat na gamot na ipinamamahagi ang DOH sa mga local government unit laban sa lepto-spirosis.
Samantala, sinabi rin ni Duque na dahil sa bagyo ay itinaas na ng DOH ang Code White Alert sa lahat ng mga pagamutan na pinatatakbo ng pamaha-laan, ngunit tiniyak na handa silang magtaas ng alerto sakaling kakailanganin.
Sa ilalim ng Code White Alert, tiniyak ng DOH na handa ang manpower ng mga pagamutan gaya ng general at ortho-pedic surgeons, anesthesiolo-gists, internists, operating room nurses, opthalmologists, at otorhinolaryngologists, upang rumesponde sa anumang emergency situation.
Lahat din ng emergency service, nursing at administrative personnel na nakatira sa hospital dormitory ay isasailalim sa ‘on-call status’ para sa agarang mobilisasyon sa kanila.
Ang mga Health Emergency Management Staff operations center naman ay dapat na naka-24-hour duty upang mag-monitor ng anumang health-related events.
“Well sa ngayon ay parang code white lang tayo dahil hindi naman kalakasan ang bagyo, pero habang tumataas ‘yan, ginagabayan tayo ng Office of the Civil Defense para sabihan tayo na ganito na kalakas ang bagyo at may kaakibat na pagtaas din ng ating code system, na white to blue to red,” aniya pa. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.