PINAG-IINGAT ng Air Asia Philippines ang kanilang mga kliyente at pinayuhang iwasang makipagtransaksiyon sa social media lalo na sa mga nag-aalok ng mababang pasahe sa eroplano.
Ito’y makaraang makarating sa kanilang kaalaman ang lumalabas sa social media na may grupong nagpapakilala na kinatawan ng Air Asia ay nag-aalok ng murang flights, tour packages at iba pang tourism-related products.
Batay sa report na nakarating sa Air Asia, ginagamit ng grupong ito ang kanilang kompanya sa mga kahina-hinalang online transactions tulad ng job offering upang makahikayat ng inosenting pasahero.
Batay sa report ng Philippine National Police (PNP) Anti-Cybercrime Group, umabot na sa 51 percent mula sa 1,005 Pilipino ang nabiktima ng grupong ito, gamit ang online media platform.
Ito umano ang tinatawag na phishing, isang uri ng fraud at isa ring paraan upang makapangolekta ng personal information, credit card numbers, at passwords mula sa mga credit card holder upang magamit ng grupo sa panloloko.
Payo ni Air Asia Philippines Communication and Public Affairs country head First Officer Steve Dailisan, “once an individual allegedly solicits your personal information or ask for money, drop the transaction outright and report it to the proper authorities.”
Dagdag pa niya, sa mga nagnanais maka-avail ng Air Asia peso fare, dumirekta sa Air Asia piso sale na nag-aalok ng P1 one way base fare sa local destinations at P588 one-way base fare para sa international destinations hanggang Aug. 27 2023, at para sa future flights mula February 19, 2024 hanggang January 19 2025.
-FROILAN MORALLOS