PINAG-IINGAT ng isang health at safety advocacy group ang publiko laban sa mga nakalalasong Halloween toys, mga pintura at kandilang gagamitin nila ngayong nalalapit na ang paggunita sa Undas.
Ayon kay Thony Dizon, chemical safety campaigner ng grupong EcoWaste Coalition, dapat na maging maingat ang mga magulang sa pagbili ng mga mumurahing Halloween toys mula sa mga tindera sa Divisoria sa Maynila, na hindi anila dumaan sa kinakailangang quality at safety verification ng Food and Drug Administration (FDA).
“There is no assurance that all toys being sold in the market are safe for our children to play with,” ani Dizon. “Some of these toys might be putting vulnerable kids in harm’s way.”
Nagbabala pa si Dizon na may mga laruang itinuturing na ‘chemical, choking, fire, at laceration hazards,’ na mapanganib para sa mga bata.
“Parents should only pick safe notified or registered toys for their children and supervise them as they play to prevent any untoward incident,” aniya pa.
Bumili aniya sila ng 35 iba’t ibang uri ng Halloween toys, kabilang ang mga nakatatakot na headband, mascara, sandata, hammers, at mga “blood-stained” accessories, gaya ng mga pangil at iba pa, at sinuri ang mga ito.
Dito aniya nila natuklasang karamihan sa mga ito ay may taglay na nakalalasong kemikal gaya ng lead, habang ang iba naman ay maaaring magdulot ng aksidente sa mga bata kaya’t dapat na maging maingat sa pagbili ng mga ito.
Samantala, pinaalalahanan din naman ng grupo ang mamamayan na suriing mabuti ang mga kandila at pintura na gagamitin ngayong papalapit na ang Undas, dahil sa posibilidad na may sangkap ring nakalalasong lead ang mga ito.
Ayon kay Daniel Alejandre, zero waste campaigner ng grupo, karaniwang hinahaluan ng lead ang mga kandila at pintura upang maging matingkad ang kulay nito na mas kaakit-akit ito sa mata ng mga mamimili.
Ipinaliwanag pa ni Alejandre na masama sa kalusugan lalo na sa mga bata, buntis at matatanda ang makalanghap ng usok ng kandilang mayroong lead.
Upang maiwasan naman aniya ito ay mahalagang siyasatin ang label ng mga kandila at pintura at huwag na itong bilhin kung sobrang tingkad ng kulay ng mga ito. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.